Handog TeamAsia
Isinulat ni: Neil Dominic De Luna, Graphic Artist
Noong Hulyo, dumayo kami sa Haven for Children para isagawa ang Pop Up Gives Back, ang programang pang-CSR ng TeamAsia. Ito ay ginaganap taun-taon upang maibalik ang mga biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Maykapal at makatulong din sa mga nangangailangan.
Naghanda ng masasayang palaro ang TeamAsia at naghandog din ito ng mga makakain para mapagsaluhan ng bawat isa pagkatapos ng mga kasiyahan. Matapos ang mga inihandang gawain at pakain, nagbahagi ng isang makabuluhang pananalita ang presidente ng TeamAsia na si Monette Iturralde-Hamlin. Pinaalalahanan niya ang mga bata na huwag susuko at magpatuloy sa laban ng buhay.
Unang beses kong makadalo sa Pop Up Gives Back at sobrang saya at makabuluhan ito dahil nakita ko ang ngiti at saya ng mga bata sa mga mukha nila.
Naging bahagi ako ng palaro, nakisama sa mga bata, at nakipagkilala sa kanila. May ilang pilyo ngunit masiyahin, at meron din namang mga tahimik at ‘di makabasag pinggan ngunit game na game parin.
Naging makabuluhan ang buhay ng mga oras na iyon, dahil madalang dumating ang pagkakataon na makakapagpasaya ng ibang tao sa ganong paraan. Iba yung pakiramdam na nakikita mong ngumingiti sila dahil sa’yo. Para sa akin, mas masarap makapagpasaya kumpara sa ikaw lang yung masaya at tumatawa, dahil binibigyan ka rin nito ng ginhawang ‘di mo matatamasa mula sa materyal na mga bagay. Sa bawat sulyap ko sa kanila, mas naghahangad akong makatulong pa sa iba. Mas nabigyan nito ng apoy ‘yung nagbabaga kong kagustuhan na maglaan ng panahon na tumulong at makapagpabago ng buhay ng ibang tao.
Ganap na kagalakan ang nadama ko noong araw na iyon ngunit mas namayani yung mga tanong na umikot sa aking ulo kung bakit, ano, at paano. Sa ngayon, ang importante ay may nag-aaruga sa kanila at nasa mabuting kamay sila.
Silipin sa ilalim ang mga litratong nakuha ng TeamAsia mula sa programa: